Overloading ang isa sa mga sinisilip ng pulisya na posibleng dahilan ng pagbaligtad ng pampasaherong jeep na ikinasugat ng 21 pasahero sa bayan ng Sta Ana, Cagayan.

Ayon kay PCAPT Ranulfo Gabatin, hepe ng PNP Sta. Ana, nasa mahigit 30 ang pasahero ng jeep na pawang mga residente sa bayan ng Tuao at miyembro ng isang religous group na papunta sana sa Nangaramoan beach para sa isang outreach activities.

Batay sa salaysay ng driver ng jeep na si Victor Agcaoili, nawalan umano ito ng preno habang binabagtas ang pababang bahagi ng kalsada sa Brgy. San Vicente dahilan upang ibangga nito ang jeep sa gilid ng kalsada upang maiwasang mahulog sa bangin ngunit hindi na nito nakontrol ang manibela kaya ito bumaligtad.

Kabilang aniya sa mga isinugod at nagpapagaling sa pagamutan ay ang pinakabatang pasahero na edad apat habang karamihan sa mga pasahero nito ay mga kabataan at ang pinakamatanda ay edad 67.