Aabot sa 21 paaralan mula sa mahigit 900 pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Cagayan ang naapektuhan ng naranasang pagbaha na dulot ng bagyong Kristine ayon sa Schools Division Office (SDO).

Sinabi ni Dr Reynate Caliguiran, Schools Division Superintendent ng SDO Cagayan, na nasa 28 classrooms ang pinasok ng baha kasabay ng pagapaw ng Cagayan river.

Ito ay kinabibilangan ng mga paaralan sa bayan ng Enrile, Solana, Amulung, Alcala, Baggao habang ang isang paaralan sa Aparri ay ginamit naman bilang evacuation center ng mga inilikas na residente.

Bagamat naabot ng baha ang mga classrooms ay hindi naman nabasa ang mga instructional materials dahil inayos ito ng mga guro bago ang pagbaha.

Dagdag pa ni Caliguiran na tututukan rin ng mga guro ang mental health ng nasa 448 mag-aaral na naapektuhan ng naransang pagbaha sa pagbabalik ng klase.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay tinututukan na ang pagsasagawa ng clean up drive sa mga binahang eskwelahan katuwang ang mga stakeholders bago mag-resume ang klase sa susunod na Linggo.