Nasa 21 pasahero ang stranded sa mga pantalan sa Cagayan at Batanes dahil sa bagyong “Ramon”.

Ayon kay Ensign Rey Magbanua, tagapagsalita ng Coast Guard District North Eastern Luzon na 15 pasahero ang naitalang stranded na pauwi sa isla ng Calayan at Camiguin habang anim naman sa Batanes.

Pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa dormitoryo ng LGU Calayan sa bayan ng Aparri.

Samantala, tiniyak ni Magbanua ang mahigpit na pagpapatupad ng guidelines na itinatakda sa paglalayag ng mga sasakyang pandagat kapag masama ang panahon o may bagyo para sa kaligtasan ng buhay at mga ari-arian.

Kabilang na rito ang “no sail policy” sa lahat ng mga sasakyang pandagat at mangingisda sa karagatang sakop ng lambak Cagayan.

-- ADVERTISEMENT --

Kasabay ng pagtataas ng alerto, naka-standby na ang mga floating assets at equipment PCG, maging ang mga personnel na tutugon sa magiging epekto ng bagyo.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PCG sa mga LGUs lalo na sa coastal areas para sa agarang pagresponde kung kinakailangan.