TUGUEGARAO CITY-Muling nakapagtala ang Cagayan Valley Medical Center nang pinakamataas na bilang ng covid-19 patients na umabot sa 261,kahapon.
Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Center Chief ng CVMC, mula sa nasabing bilang 238 ang kumpirmadong kaso kung saan 12 dito ay kasalukuyang nasa labas pa ng ospital habang naghihintay ng bakanteng bed na paglalagyan sa kanila.
Aniya, galing dito sa probinsya ng Cagayan ang malaking bilang ng kanilang minomonitor na umaabot sa 224 kung saan 150 dito ay mula sa Tuguegarao City habang 13 ay galing sa Isabela at isa sa Tinglayan, Kalinga.
Nasa 23 naman ang mga suspected cases na pawang mula sa probinsya ng Cagayan at kasalukuyan pa ring hinihintay ang resulta ng swab test.
Marami aniya sa kanilang mga pasyente ay mga seniors na may mga comorbidities kung kaya’t sila ang mga binabantayan ng health workers.
Sinabi ni Baggao na nangupa na rin sila ng dalawang hotel sa lungsod para gawing “step down” facility o pagdadalhan sa mga pasyenteng tinatapos na lamang ang kanilang 14 day quarantine para magkaroon ng bakanteng beds sa loob ng covid ward.
38 pasyente na ang dinala sa isang hotel na mayroon 50 beds at ilang nurses na mula pa rin sa naturang pagamutan ang magmomonitor sa kanilang kalagayan habang ang isa pang hotel na may 30 beds ay kasalukuyan na nilang inaayos.
Nakiusap na rin si Dr. Baggao sa city government ng Tuguegarao na maglaan ng karagdagang isolation facility para may pagdadalhan sa ibang mga pasyente na mula sa lungsod at kung maaari ay mga pasyenteng critical at severe na kondisyon lamang ang dalhin sa pagamutan dahil punuan na talaga ang kanilang covid ward.
Para naman sa ibang bayan, kailangan ay makipag-ugnayan muna sa ospital bago magdala ng pasyente para matiyak na may nakalaan na beds dahil ilan umano sa mga dinadalang pasyente ay pinapagalitan ang mga staff ng CVMC kung walang bed na nakalaan pa sa kanila.
Umapela si Dr. Baggao ng kooperasyon at suporta ng lahat dahil pagod na ang kanilang mga healthcare workers kung kaya’t kailangan na makipagtulungan para malampasan ang kinakaharap na krisis pangkalusugan.
Samantala, nanawagan ngayon ang archdiocese of Tuguegarao ng dasal para sa mga healthcare workers na patuloy na lumalaban sa lumalalang covid 19 crisis.
Ilang healthcare workers na rin ang kabilang sa mga nahawaan sa nagaganap na community transmission ng virus sa lokalidad.