Arestado ang isang 22-anyos na binata matapos mahuli sa aktong pagnanakaw ng alak sa isang tindahan sa sa Brgy. 11, Caloocan City.
Ayon sa ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Jerry Protacion, kinilala ni Caloocan Police Officer-in-Charge P/Col. Joey Goforth ang suspek sa alyas na “Ced,” residente ng nasabing barangay.
Dakong alas-12:30 ng hatinggabi, habang nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga barangay tanod, inabutan umano nila si “Ced” na nagnanakaw ng alak mula sa isang sari-sari store.
Agad namang inarest ang salarin.
Narekober mula sa kanya ang pitong bote ng gin na nagkakahalaga ng P560.
Sa isinagawang inspeksyon, natagpuan din ang isang plastic sachet na may lamang humigit-kumulang 6 gramo ng pinatuyong dahon ng hinihinalang marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P720.
Nahaharap ang suspek sa kasong Theft at paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inihain na sa Caloocan City Prosecutor’s Office.