Nailigtas ng mga awtoridad ang 22 katao, kabilang ang limang menor de edad sa isinagawang anti-human trafficking operation sa Bongao, Tawi-Tawi.

Inilunsad ng Tawi-Tawi Maritime Police Station (MARPSTA) at iba pang law enforcement units ang operasyon matapos na makatanggap ng tip na may maraming pasahero na patungo Malaysia sa pamamagitan ng backdoor entry points.

Napansin ng mga awtoridad na naging balisa ang maraming indibidual nang magsagawa sila ng beripikasyon sa mga pasahero na sakay ng isang sasakyang pandagat mula sa Zamboanga City.

Dinala ang mga ito sa Tawi-Tawi MARPSTA headquarters para sa karagdagang imbestigasyon.

Lumabas sa imbestigasyon na ang grupo ay wala legal documents at inamin na plano nilang pumunta sa iba’t ibang lugar sa Malaysia, kabilang ang Sempornah, Kunak, Kota Kinabalu, Segama Lahad Datu, at Pangkalakan.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa PNP-Maritime Group, ang biyahe ng nasabing grupo ay inayos umano ng kapwa nila Filipino na walang kaukulang documentation sa Malaysia.

Ang ilan sa kanila ay bumiyahe kasama ang kanilang mga anak o mga menor de edad na mga kamag-anak na balak din nilang isama sa Malaysia.

Pagkatapos ng imbestigasyon, ipinasakamay sila sa Ministry of Social Services and Development Office para sa counseling at iba pang interventions.