Aabot na sa 22 kooperatiba o asosasyon ng mga magsasaka sa Cagayan Valley ang natutulungan na ng Department of Agriculture sa ilalim ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program ngayong taong 2025.
Ayon kay Efren Reyes, tagapagsalita ng DA-SAAD Cagayan Valley, noong 2023 ay limang asosasyon lamang ang benepisaryo ng SAAD program, at nadagdagan ito ng sampu noong 2024 kung saan ang mga ito ay operational na.
Ang pitong iba pa ngayong 2025 ay nasa unang proseso naman para sa social preparation stage ng kanilang napiling proyekto.
Ipinunto ni Reyes ang kahalagahan ng social preparation sa SAAD upang masigurong ang bawat magsasaka ay handa sa tulong na kanilang matatanggap.
Sa pamamagitan ng profiling at social preparation, sinisiguro ng programa na may kakayahan ang bawat benepisyaryo na ipagpatuloy ang mga natutunan nila.
Sinabi ni Reyes na bukod sa mga pagsasanay, nagkaloob ng ibat ibang proyektong pangkabuhayan ang SAAD Program na may kaugnayan sa pagtatanim ng palay, mais, high-value crops, pag-aalaga ng mga hayop at iba pa na nakatakdang matapos ang programa sa taong 2028 at ipagpapatuloy ng iba pang banner programs ng DA.
Aniya, mahalaga ang naturang programa na may layuning magbigay ng tulong sa mga magsasaka mula sa pinakamahirap na lugar o kabilang sa 5th at 6th class municipality upang mapataas ang produksyon ng pagkain.