Bineberipika na ng Phillipine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga impormasyon o pangalan ng mga sangkot sa iligal na droga kasunod ng naging rebelasyon ng isang drug suspect na nahuli sa buy-bust operation sa kanyang lugar sa Nueva Vizcaya.

Ayon kay Agent Rosario Abella, Provincial officer ng PDEA- Quirino, nahuli ang maituturing na high value target na isang 23-anyos sa Brgy Magsaysay, Bayombong sa tulong ng isang informant mula Santiago City, Isabela.

Nakumpiska sa kanya ang nasa 616 grams ng mga pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang na P86K.

Sinabi ni Abella na kinukuha mismo ng suspek ang mga marijuana sa Kalinga na kanya namang ibinebenta sa kanyang mga parokyanong estudyante sa Isabela at Nueva Vizcaya.

Nabatid na isang taon rin nakulong ang suspek dahil sa pagbebenta ng marijuana noong 2020 subalit nakalabas lamang dahil sa pre-bargaining agreement.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay inaantay na lamang ng pulisya ang commitment order mula sa korte para sa paglilipat ng kulungan sa suspek na nasa detention cell ng Bayombong PNP.