Natagpuang palutang-lutang at wala nang buhay ang isang miyembro ng LGBTQIA+ community mula sa Peñablanca, Cagayan sa bahagi ng ilog sa bayan ng Amulung nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Gian Molina na naiulat na nawawala sa loob ng dalawang araw bago matagpuang wala nang buhay malapit sa maisan sa nasabing lugar.

Bago ito, nanawagan sa social media si John Andrei Dulin Molina sa publiko para sa impormasyon sa kinaroroonan ng kanyang kapatid.

Makalipas ang ilang araw, kinumpirma ng mga awtoridad ang pagkakadiskubre sa bangkay ni Gian.

Mariing kinondena ng LGBTQIA+ community sa Cagayan ang sinapit ng biktima at nagpahayag din ng pakikiramay sa pamilya ni Gian.

-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan din ang pamilya at kaanak ng biktima para sa masusing imbestigasyon at katarungan para sa pagkamatay ng biktima.

Sa ngayon, wala pang opisyal na ulat mula sa pulisya kung may foul play sa insidente o kung may mga itinuturong persons of interest.

Isasailalim sa postmortem examination ang labi ni Gian upang matukoy ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay.