Ginagamot na sa pagamutanang 24 katao na nasugatan sa banggaan ng SUV at pampasaherong jeep sa Tabuk City, Kalinga.
Sinabi ni PCAPT Ruff Manganip, information officer ng PNP Kalinga na batay sa imbestigasyon ng PNP Tabuk, habang binabaybay ng pampasaherong jeep na minaneho ni Reynold Palangya ng bayan ng Pinukpuk ang lansangan sa nasabing lugar ay bigla itong nag-overtake sa isa pang sasakyan na tumigil sa harapan.
Hindi umano napansin ng driver ng jeep ang paparating na SUV na minaneho ng isang personnel ng Bureau of Fire Protection na si Mark Buslig na nagbunsod ng headon collission.
Tatlo ang sakay ng SUV at 21 naman ang jeep kabilang ang driver, kung saan lahat sila ay nasugatan sa insidente.
Sinabi ni Manganip na inilipat sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City ang ilang nasugatan dahil sa malubha ang kanilang pinsala.
Ayon kay Manganip, ang pinakabata na sakay ng jeep ay dalawang araw pa lamang na sanggol at mayroon ding isa at dalawang taong gulang.