photo credit: Derly Mae Villa, Junior Business Councilor sa Itbayat

TUGUEGARAO CITY-Umaabot sa 24 establishimento ang nakitaan ng Local Government Unit (LGU)-Itbayat katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) na mga expired na produkto sa probinsya ng Batanes.

Ayon kay Derly Mae Villa, Junior Business Councilor sa Itbayat, nagsagawa ang kanilang opisina ng
enforcement operation sa mga establishimento kasunod nang reklamo mula sa isang residente na nakabili
ng expired na produkto.

Sa tatlong araw na operasyon, sinabi ni Villa na 24 mula sa 47 establishimento na kanilang pinuntahan
ang kanilang nakitaan na mayroong mga expired na produkto tulad ng kape, noodles, biscuit at mga
candies.

Aniya, agad nilang kinumpiska ang mga expired na produkto at ibinaon sa lupa.

Kaugnay nito, binigyan ng bababala ang mga mag-ari ng mga establishimento at pinayuhan na maging mapanuri sa kanilang mga produkto para maiwasan na maabutan ng expiration date ang kanilang mga paninda.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Villa na ito ang kanilang kauna-unahang operasyon sa mga establishimento sa nasabing lugar
at muli nila itong ipagpapatuloy sa sampung establishimento na hindi pa napupuntahan.

Nakakaapekto aniya ang hirap sa transportasyon sa nasabing isla sa madaling pagkasira ng produkto
dahil buwan pa ang kanilang hihintayin bago makarating sa kanila ang mga inorder na produkto.

Sa ngayon, sinabi ni Villa na gumagawa na ng resolusyon ang Sanguniang Bayan ng Itbayat na hilingin sa
mga establishimento sa mainland na mga produktong matagal pa ang expiration ang ipadadala sa Isla para
hindi madaling masira