
Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang 24 na overseas Filipino workers (OFWs) na siyam na buwang na-detine sa Russia dahil sa mga isyu sa kanilang immigration documents.
Dumating ang mga Pilipino sa bansa sa dalawang batch matapos bumiyahe mula Krasnoyarsk, Russia patungong Bangkok, Thailand bago sumakay ng eroplano pauwi ng Maynila.
Unang dumating ang anim na Pilipino dakong alas-11:40 ng Sabado ng gabi, habang sumunod naman ang 18 iba pa alas-4:00 ng madaling araw ng Linggo.
Sinalubong ang mga repatriated OFWs ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro at iba pang opisyal ng kagawaran.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., personal niyang inihain kay Russian President Vladimir Putin ang sitwasyon ng mga Pilipino sa kanilang bilateral meeting sa Russia, na nagresulta sa agarang pag-apruba sa kanilang pagpapalaya at deportasyon pabalik ng Pilipinas.
Batay sa impormasyon ng Department of Migrant Workers (DMW), nagtrabaho bilang cleaners sa Russia ang mga Pilipino ngunit kulang umano ang kanilang mga dokumento bilang legal na manggagawa, dahilan upang maharap sila sa immigration cases at kalaunan ay ma-detine.
Inihayag naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na magsasagawa sila ng imbestigasyon kasama ang Department of Justice upang matukoy kung biktima ng illegal recruitment o human trafficking ang mga OFW at upang mapanagot ang mga sangkot na recruiter.
Samantala, sinabi ni DFA Secretary Lazaro na isang mahalagang goodwill gesture ng pamahalaan ng Russia ang mabilis na pagpapalaya sa mga Pilipino matapos ang kahilingan ng Pangulo.
Patuloy namang nagbibigay ng tulong at asistencia ang DFA, DMW, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa pagbangon at reintegrasyon ng mga nakabalik na OFW.










