Nasa 25 bayan sa lalawigan ng Cagayan ang nananatiling COVID-19 free o wala pang naitatalang kaso na nagpositibo sa naturang sakit.
Base sa pinakahuling datos ng Department of Health, (April 6, 2020), wala pang kaso ng COVID-19 sa bayan ng Alcala, Allacapan, Amulung, Aparri, Baggao, Ballesteros, Camalaniugan, Claveria, Enrile, Gonzaga, Iguig, Lal-lo, Lasam, Peñablanca, Sanchez Mira, Solana, Sta. Praxedes at Sto. Niño.
Habang ang bayan ng Abulug, Buguey, Calayan, Pamplona, Rizal, Santa Ana at Santa Teresita ay wala pang naitalang mga Person Under Investigation o PUI base sa mga impormasyon na natatanggap ng ‘monitoring and surveillance team’ ng DOH.
Sa buong lalawigan, may naitala nang kabuuang 12 kaso ng COVID-19 mula sa Tuguegarao City (8), Tuao (2), Gattaran (1) at bayan ng Piat (1).
Sa naturang bilang, pito na ang naka-rekober sa naturang sakit na kinabibilangan nina PH275, PH893, PH839, PH841 at PH1180, na pawang mula sa lungsod ng Tuguegarao; PH661 mula sa bayan ng Tuao; at si PH2764 mula sa bayan ng Piat.
Samantala mayroon ng 22 bilang ng nagpositibo sa COVID-19 sa buong rehiyon dos at isa ang naitalang nasawi sa naturang sakit na mula sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.