Isinailalim na sa inquest proceedings sa kasong paglabag sa PD 1602 o illegal gambling act ang 25 suspek na nahuli ng pulisya na aktong nagpapatakbo at tumataya sa tupada matapos ang isinagawang anti-illegal gambling operation sa bayan ng Solana.
Kinilala ni PCAPT Jhun-Jhun Balisi, hepe ng PNP Solana ang tatlong nagpapatakbo sa iligal na sabungan na sina Ramil Accad ng Tuguegarao City, Michael Callueng ng Basi West at Noel Malabad na nakatakas sa naturang operasyon.
Ayon pa kay Balisi, agad na nagtakbuhan ang mga mananaya, kasama ang isang hindi pa mabatid na Barangay Kagawad subalit 25 sa mga ito ay nadakip ng pulisya.
Ang mga nahuli ay pawang mga residente sa Barangay Basi West, Basi East, Natappian West at Natappian East na kinabibilangan ng isang menor-de edad.
Nabatid na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya kaugnay sa illegal na sabungan sa isang bakanteng lote sa Barangay Basi West na dati umanong isinasagawa sa Barangay Natappian.
Narekober sa mga suspek ang apat na panabong na manok, pusta na aabot sa mahigit P2,000, mga tari at siyam na motorsiklo.
Samantala, muling nagbabala si Balisi sa publiko na mas paiigtingin nila ang operasyon kontra sa anumang uri ng illegal gambling kung kaya dapat na itong iwasan at tangkilikin lamang ang mga legal at naayon sa batas.