Ihahapag bukas kay Environment Sec. Roy Cimatu ang desisyon ng pamahahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa pagbasura sa planong pagpapalawig sa permit ng operasyon ng pagmimina ng Oceanagold Phils. Inc. sa bayan ng Kasibu.
Itoy matapos ibasura ng mga miyembro ng Sanguniang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya sa isinagawang deliberasyon ang renewal ng 25 years Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) permit ng naturang Australian Mining Company.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Leon Dulce, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment na pangungunahan ni Gov. Carlos Padilla ang isasagawang dayalogo kasama ang mga anti mining group upang masiguro na hindi na mai-renew ang permit ng kompanya sa pagtatapos ng kontrata sa June 20, 2019.
Umaapela rin sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang anti minig group na Samahang Pangkarapatan ng Katutubong Magsasaka at Manggagawa, Inc (SAPAKKMMI) na suportahan at irespeto ang naturang desisyon ng mamamayan.
Iginiit ni Celia Bahag, miyembro ng grupo na apektado silang mga residente sa Brgy Didipio sa operasyon ng mining company dahil sa mga paglabag sa kalikasan at karapatang pantao.
Bukod pa niya ito sa pagkakahati ng mamamayan sa pro at anti dahil sa ipinaglalabang prinsipiyo.
Bagamat mayaman ang binabanggang kumpanya, sinabi ni Bahag na patuloy silang maninindigan sa pagtutol sa operasyon ng malaking minahan sa lugar.
-with reports from Bombo Marvin Cangcang