TUGUEGARAO CITY-May dalawang persons of interest ang mga otoridad kaugnay sa pagnanakaw sa 150 peking duck, 100 na mga manok at 10, 000 fingerlings ng tilapia sa isang farm sa bayan ng Solana, Cagayan.
Sinabi ni PCAPT Jose Gaudencio Pagulayan, deputy chief of police ng PNP Solana na ang dalawang caretaker ng farm ang kanilang iniimbestigahan kaugnay sa nasabing insidente.
Ayon kay Pagulayan, dahil walang matibay na ebidensiya para idiin ang dalawa ay pinalaya ang mga ito matapos na itanggi na sila ang sangkot sa pagnanakaw.
Batay sa kwento ng may-ari ng farm na si Jose Bulaqui, nalaman nila na nawala ang kanilang mga alaga nang magpunta ang kanyang anak sa farm sa Barangay Padul para kumuha sana ng tilapia subalit nagulat siya ng wala ng laman ang kanilang fishpond.
Nang puntahan ni Bulaqui ang farm ay dito na nila natuklasan na maging ang mga pato at mga manok ay nawawala.
Sinabi ni Pagulayan na may hinala din si Bulaqui na ang dalawang caretaker ang nagnakaw sa kanilang mga alaga dahil sa noong buwan ng Disyembre ay napansin niya na wala ang makina at rims ng kanyang multicab na nasa bodega.
Nang tanungin ang dalawang caretaker ay sinabi nila na itinago nila sa ibang lugar para hindi mawala subalit paglaon ay sinabi ng mga ito na hindi nila alam kung nasaan na ang mga nasabing bagay.
Sa pag-iimbestiga ng PNP ay natuntun nila ang isang witness na nagsabi na ibinenta sa kanya ang makina at rim.