Nabigyan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 ng tulong ang kabuuang 250 pamilya na inilikas kasunod ng inilunsad na “close air support” sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan bilang bahagi ng hot pursuit operation laban sa mga rebeldeng grupo na nakasagupa ng 17th Infantry Battalion sa bahagi ng Brgy Maguiling, Piat nitong Huwebes Santo, April 14.

Ayon kay PMaj. Elmo Lorenzo, hepe ng PNP-Sto Niño na 88 pamilya mula Brgy Niug Norte at 162 pamilya naman sa Brgy Sta Maria, Sto Niño ang naabutan ng tig-P3K cash assistance bukod pa sa food and non-food items na nagkakahalaga ng din ng P3K sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ng DSWD.

Sinabi ni Lorenzo na pansamantalang inilikas sa Brgy Hall ang mga residente na malapit sa kabundukan kung saan isinasagawa ang close air support ng militar para mahuli ang mga nakatakas na mga New Peoples Army.

Ayon naman kay DSWD Assistant Regional Director for Operations Franco Lopez na layunin nito na matiyak ang seguridad at kaligtasan ng mga internally displaced persons o IDPs.

Binigyang diin ni Lopez na patuloy ang gubyerno na gumagawa ng hakbang upang mapuksa ang insurhensiya sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Alinsunod ito sa mandatong nakasaad sa Executive Order No. 70 kung saan inilunsad ang whole-of-nation approach para magkaroon ng kapayapaan at tapusin na ang bakbakan sa pagitan gobyerno at rebeldeng NPA.

Kabahagi rin ng ahensya ang Lokal na Pamahalaan ng Sto. Niño, Philippine National Police -Region 02, 17th Infantry Batallion, Charlie Company 5th CMO Batallion, at mga opisyal ng barangay ng Niug Norte at Sta. Maria sa pamamahagi ng tulong sa mga IDPs.

Laking pasasalamat naman ni Teofilo Erese, kapitan ng Brgy Niug Norte, sa natanggap na tulong mula sa nasabing ahensya.

Pahayag pa ng DSWD na patuloy ito sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa iba pang tulong na maari nitong maibot sa mga IDPs sa nasabing lugar.

Kasabay nito ay tiniyak naman ng kapulisan ang seguridad ng mga residente kasunod ng nasabing sagupaan.

Matatandaan na sa limang minutong engkwentro ay napaslang ang tatlong matataas na lider ng NPA na kinilalang sina Saturnino Agonoy alyas ‘Peping’, pinuno ng Regional Operations Department ng West Front Committee- Cagayan ng Komiteng Rehiyon ng Cagayan Valley, Mark Canta alyas ‘Uno’, giyang pulitikal at Alyas ‘Val’, medical officer.

Si Agunoy ay may standing warrant of arrest sa 12 na kaso ng ‘Qualified assualt upon agent of person in authority with murder’ na may piyansang P120,000 bawat kaso.

Mayroon din siyang kasong arson na may piyansa na P24,000, kasong murder na walang piyansa at kasong rebelyon na may piyansang P200,000.