

TUGUEGARAO CITY- Boluntaryong sumuko sa pamahalaan ang 26 na militia ng bayan at supporters ng New Peoples Army (NPA) kasabay ng anibersaryo ng makakaliwang grupo nitong araw ng Linggo, Marso 29,2020 sa Mountain Province at Isabela.
Ayon kay Major Noriel Tayaban, tagapagsalita ng 5th Infantry Division, Philippine Army, 16 mula sa nasabing bilang ay kasapi sa Kilusang Larangan Guerilla(KLG)-Marco, Leonardo Pacsi Command sa Bayan ng Bauko at Sadanga, Mt. Province at 10 naman ay miyembro ng Milisyang Bayan na kasapi ng Central Front Committee (CFC), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) ng Teroristang Komunistang NPA.
Aniya, batay sa salaylay ng mga sumukong indibidwal, tuluyan nilang tinalikuran ang kanilang mga ginagawang pakikibaka sa pamahalaan dahil sa mapait nilang karanasan mula sa grupo at ang ginagawang panlilinlang ng mga ito.
Kasamang isinuko ng lima mula sa 26 na sumuko ang isang M60 Machine Gun, isang AK-47 Automatic Rifle, dalawang M1 Garand Rifle, isang M16 Automatic Rifle, isang Hand grenade, isang ICOM hand held Radio at mga dokumento.
Kaugnay nito, sinabi ni Tayaban na nasa isolation area ang mga sumukong individwal bilang pag-iingat na rin sa coronavirus disease (Covid-19) habang inaayos pa lamang ang kanilang dokumento para maisama sa mapagkakalooban ng tulong mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP)ng gobyerno.
Samantala, apat na miembro ng kasundaluhan na itinuturing na Person Under Investigation (PUI)ng covid-19 ang naka-quarantine habang 69 naman ang kanilang PUM o person under monitoring.
Dahil dito, sinabi ni Tayaban na sinisiguro ng kanilang hanay na kompleto sa PPE o personal protective equipment ang kanilang mga sundalo lalo na ang mga nasa checkpoint area bilang pag-iingat sa pandemic virus.










