
Nakakuha ang mga awtoridad ng panibagong pinaniniwalaang human skeletal remains sa isinasagawang search and retrieval operation sa Taal Lake, Batangas.
Ayon sa Batangas Police Provincial Office (BPPO), 26 pang piraso ng buto ang nakita ng mga personnel ng Laurel Municipal Police Station, mga divers at retrieval teams sa Sector 2, Quadrant 3, Lane 2 (left plank) ng Taal Lake.
Ang naturang area ang itinuro ng Missing Sabungeros whistleblower na Julie “Dondon” Patidongan kung saan itinapon ang mga nawawalang sabungero.
Nakasilid ang mga buto sa isang black fine net na nakuha sa designated dive site.
Agad namang itinurn-over ang mga buto sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa pagsusuri.
Sa ngayon, kailangan pang tukuyin ng mga awtoridad ang identity ng mga buto at kung ano ang dahilan kung bakit itinapon ito sa lawa.










