Iniulat ng China na 261 dayuhang mula sa 23 bansa ang nawawala sa panig ng Tibet matapos ang malawakang mudslide sa hangganan nito at ng Nepal.

Pinakamarami sa mga nawawala ay mula sa Nepal na umabot sa 104, habang 49 naman ay Indian, 33 Latvian, 18 American at 15 British nationals.

Sa Tibet, umabot na sa 16 ang nasawi at 546 ang nawawala matapos ang pagguho ng glacier noong Miyerkules na nagpakawala ng rumaragasang yelo, bato, putik at iba pang debris sa mga ilog sa Himalayas.

Samantala, sa Nepal, hindi bababa sa 675 ang nasawi, 2,498 ang nawawala at 7,514 ang nailigtas.

Patuloy ang rescue operations habang nagbabala ang mga awtoridad sa posibilidad ng panibagong pagbaha dahil sa pagtaas ng tubig sa Trishuli River.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman sa China, iniuugnay ng kanilang mga siyentista ang sakuna sa pag-init ng mundo at instability ng mga glacier, habang mahigit 2,100 rescue workers ang ipinadala ng Beijing upang tumulong sa mga operasyon.