TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ng isang panibagong confirmed case ng coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang probinsiya ng Cagayan partikular sa bayan ng Enrile.
Ayon kay Dr.Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, ang pasyente ay 27-anyos na babae na mula sa Barangay Lemu Norte sa nasabing bayan.
Aniya, dumating sa Enrile ang pasyente noong Hunyo 13, 2020 mula sa kalakhang maynila kung saan agad na sumailalim sa rapid test at siya’y nagpositibo.
Dahil dito, isinailalim ang pasyente sa swab test noong Lunes, Hunyo 15, 2020 at kanina ay inilabas ng department of Health (DOH)-region 2 ang resulta kung saan siya ay positibo sa virus.
Sinundo na rin ng CVMC ang pasyente para mamonitor ang kanyang kondisyon habang nagsasagawa na rin ng contact tracing ang Local Government Unit ng Enrile sa mga posibleng nakasalamuha ng pasyente.
Sa ngayon, sinabi ni Dr. Baggao na isang confirmed case, zero suspect at probable ng covid-19 ang CVMC.
Samantala, nakauwi na rin ang mga unang nagpositibo sa virus na mula sa bayan ng Alcala at Tabuk City, Kalinga matapos magnegatibo sa kanilang pangalawang swab test.