Hindi muna pinayagang makapag-exam ang nasa 272 examinees na nagpositibo sa isinagawang Rapid Antigen Testing, isang araw bago ang Licensure Examination for Teachers nitong araw ng Linggo.
Ayon kay Dr. Angelica Taloma ng DOH Region 2, mula ito sa 3,624 na nasuri sa mga itinalagang swabbing sites sa Tuguegarao City, Cagayan at Cauayan City, Isabela kung saan 7.5% ang positivity rate.
Ang mga nagpositibo ay agad dinala sa isolation area at ipinakuha sa kani-kanilang LGUs para mabigyan ng kaukulang pansin.
Isinagawa rin ang agarang contact tracing sa mga swabbing sites para matukoy ang mga naging close contacts ng mga nagpositibo.
Sinabi ni Taloma na batay sa panuntunan ng Professional Regulation Commission (PRC) hindi muna maaaring kumuha ng pagsusulit ang mga nagpositibo para sa kaligtasan ng iba pang examinees at sila ay maaaring ire-schedule sa susunod na batch.
Samantala, maliban sa Batanes na nasa ilalim ng Alert level 2 ay mananatili sa Alert Level 3 ang probinsiya ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino hanggang ika-15 ng Pebrero, ngayong taon.