Nasawi ang hindi bababa sa 28 Palestino kabilang ang isang pamilya at isang gusali ng paaralan na sinasabing ginagamit ng Hamas dahil sa pag-atake ng Israel ayon sa Civil Defense Agency ng Gaza.
Ipinahayag ng mga grupo ng mga Palestino na malapit na ang isang kasunduan para sa tigil-putukan, ngunit walang tigil ang karahasan sa Gaza Strip mahigit 14 na buwan mula nang magsimula ang digmaan ng Israel at Hamas noong Oktubre 7, 2023.
Dahil dito, tumataas ang kritisismo sa mga aksyon ng Israel, kabilang na ang mga paratang mula sa mga grupong pangkarapatang pantao na nagsasabing ang mga ito ay “gawa ng genocide”, na mariing itinanggi ng gobyerno ng Israel.
Pinuna naman ni Pope Francis ang mga pambubomba na nagresulta sa pagkamatay ng mga bata isang araw bago, tinawag niyang isang “kalupitan” ang mga insidente.
Bilang tugon, tinuligsa ng Israel ang pahayag ng Santo Papa at inakusahan siya ng pagkakaroon ng double standards.
Sa Gaza, iniulat ni Mahmud Bassal, tagapagsalita ng Civil Defense Agency, na hindi bababa sa 13 katao, kabilang ang isang pamilya, ang nasawi sa isang airstrike sa Deir el-Balah sa gitnang Gaza.
Matapos ang pagsabog, nakita ng isang photographer ng AFP ang mga residente na naghahanap ng mga survivor sa mga labi, at ang ilan ay naghanap ng mga gamit na maaaring iligtas.
Sa isang kalapit na lugar, may mga katawan rin na nakabalot sa mga kumot at nakahiga sa sahig.
Wala pang pahayag mula sa militar ng Israel, ngunit nakumpirma nito ang isang hiwalay na pag-atake sa isang paaralan sa Gaza City.
Ayon kay Bassal, walong katao, kabilang ang apat na bata, ang nasawi sa pag-atake sa paaralan na ginamit bilang kanlungan ng mga Palestinong pinalayas ng digmaan.