TUGUEGARAO CITY- Nasa 29 na preso sa Cagayan ang hinahanap ng Cagayan-PNP na kabilang sa nasa 2,000 bilanggo na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Ito’y matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling huliin ang mga ito.
Ayon kay Police Capt. Sharon Malillin, tagapagsalita ng Cagayan-PNP, isa-isang pupuntahan ng kanilang hanay ang bahay ng mga nakalayang preso para ipaliwanag ang kautusan ni Pangulong Duterte
Sinabi ni Malillin na ito’y para boluntaryong susuko sa mga kinauukulan ang mga nakalayang bilanggo.
Ang mga nasabing preso ay napalaya sa ilalim ng GCTA Law mula Enero 1, 2013 hanggang sa kasalukuyan sa Cagayan
Samantala, kung sakali man umano na mahuhuli na ang 29 na preso ay nakadepende na sa derektiba ng Bureau of Corrections (BuCor) kung muli silang ibabalik sa kanilang ahensiya o mananatili sa hanay ng kapulisan.