Natanggap na ng dalawampu’t limang benepisaryo ng “Iskolar Program” ang kanilang financial assistance para sa 2nd semester ngayong taon mula sa Sangguniang Kabataan ng Barangay Annafunan East.

Kinabibilangan ito ng labing-apat na College students at labing isang kabataan na nag-aaral sa Senior High School (SHS) na muling nakatanggap ng tig-P2000 na financial grant ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni SK Chairman Gerald Valdez ng Brgy Annafunan East na layunin ng programa na makatulong sa mga kabataang mag-aaral na nahihirapang makadalo sa online class at makaagapay sa kanilang self-learning module na ipinamimigay ng pinapasukan nilang paaralan.

Sa kabuuan ay nakapagbigay na ang SK ng P85,000 na financial aid sa kanilang benepisaryo para sa unang semestre at ikalawang semestre ng Academic Year 2021-2022 na mula sa 2021 SK Annual Budget.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang sinimulan ng SK ang naturang programa noong 2019 na mayroon lamang labing-apat na iskolar, kung saan taon-taon ay nadadagdagan ito habang nadadagdagan ang pondo ng Barangay.

Bukod sa iskolar ng SK ay ikinatuwa ni Valdez ang pag-apruba ng Brgy Council ng ordinansa na kanyang iniakda para sa pagkakaroon ng ‘Scholarship Program ng Barangay’.

Sinabi ni Valdez na bubuksan sa buwan ng Hulyo ang aplikasyon sa inisyal na sampung slots para sa mga iskolar ng Barangay na tatanggap ng kahalintulad na financial grant o kabuuang P4,000 kada taon.

Ang pagpili sa mga bagong iskolar ay dadaan sa screening upang masiguro na tanging ang mga nangangailangan ng tulong pang-edukasyon na nasa laylayan ng lipunan ang magiging benepisaryo nito.