Muling inalmahan ng mga Pinoy workers sa Hongkong ang ipinatutupad na ikalawang mandatory swab testing sa lahat ng mga dayuhang manggagawa doon.

Ang naturang kautusan ng Hongkong government ay matapos may nagpositibo sa COVID-19 na Overseas Filipino Worker sa unang mandatory swab testing noong May 1 hanggang 9.

Sinabi ni Sandra Gangngad na tubong Tanudan, Kalinga at OFW sa Hongkong na maituturing na diskriminasyon sa kanila ang naturang patakaran dahil marami din namang mga Chinese ang nagpopositibo sa COVID-19.

Gayunman, wala silang magagawa at kailangan nilang sumunod sa mga kautusan na inilalabas ng Hongkong government.

Aniya, naglagay ang hongkong government ng swab testing center sa mga matataong lugar kung saan maaaring magpaswab ang mga OFW’s hanggang ngayong Mayo 30 ng taong kasalukuyan.

-- ADVERTISEMENT --

Maaari aniyang magpa-appoint o mag-walk in ang mga sasailalim sa swab testing kung saan malalaman ang resulta sa loob ng 24 oras.

Matatandaan na unang inobliga na magpa-swab test ang mga dayuhang manggagawa, kasama na ang mga OFW sa Hongkong, matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isang Pinay makaraang nakipagkita umano sa kaniyang kaibigan na isang Indian national.