
Tinatayang 3.3 milyong katao ang nanood sa Sinulog Grand Parade nitong Linggo, Enero 18, ayon sa ulat ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) hanggang alas-5 ng hapon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Franco Rudolf Oriol, event commander ng parada at deputy city director para sa administration ng Cebu City Police Office (CCPO), mas dumami ang tao sa hapon nang humupa ang init ng araw.
Gumamit ang mga awtoridad ng high-technology equipment tulad ng CCTV, drones, at iba pang devices upang tantiyahin ang dami ng tao at density ng crowd. Kasama sa bilang ang mga tao sa loob at labas ng mga mall kung saan ginaganap ang mga aktibidad ng Sinulog Festival.
Lalo namang dumami ang mga tao nang lumabas ang mga artists sa mga float sa parade route. Pinakamadaming tao ang naitala sa Fuente Osmeña at Mango Avenue, kung saan nagsanib ang mga bisita mula hilaga, timog, at silangan ng lungsod.
Wala namang major incident na naiulat maliban sa ilang dancers na nahimatay dahil sa init ng araw. Agad silang tinulungan ng mga medical personnel na naka-standby sa ruta ng parada.
Tiniyak ni Oriol na kontrolado ng kapulisan ang sitwasyon dahil handa sila sa anumang contingency, kabilang ang crowd congestion.










