
Kinumpirma ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) nitong Miyerkules na tatlong aircraft na nakarehistro sa pangalan ng nagbitiw na Ako Bicol party-list representative na si Elizaldy Co ay wala na sa bansa.
Ayon sa CAAP, dalawang AgustaWestland helicopters ang kasalukuyang nasa Kota Kinabalu, Malaysia, habang ang isang Gulfstream aircraft ay nasa Singapore pa mula noong Agosto 16, 2025. Dagdag pa ng ahensya, patuloy nilang minomonitor ang lahat ng rehistradong air assets alinsunod sa batas.
Matatandaang hiniling ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na ip-freeze ang halos P5 bilyong halaga ng mga air asset na konektado kay Co at sa kanyang pamilya matapos siyang maiugnay sa isyu ng flood control corruption at mga kuwestiyonableng budget insertion.
Bagama’t wala na sa bansa ang ilan sa mga eroplanong ito, tiniyak ni Dizon na determinado pa rin ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipasailalim ang mga ito sa forfeiture cases. Ayon sa kanya, dahil hindi na maaaring muling irehistro ang mga aircraft sa CAAP, hindi na rin ito maibebenta kahit nasa ibang bansa.
Tatalakayin umano sa inter-agency meeting ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Oktubre 30 ang mga susunod na hakbang para sa pagsasampa ng civil forfeiture cases laban sa mga sangkot. Layunin ng gobyerno na mabawi ang mga pondong umano’y nakuha sa katiwalian kahit hindi pa tapos ang mga kasong kriminal na kaugnay ng mga ghost at substandard flood control projects.










