TUGUEGARAO CITY-Muling nakagtala ang Department of Health (DOH) ng tatlong bagong kaso ng covid-19 UK variant sa Bontoc, Mountain Province.

Ayon kay Councilor Jerome Tudlong ng Bontoc, dalawang babae na edad 25 at 54 at isang lalaki na may edad 31 ang bagong tatlong kaso ng covid-19 UK variant sa nasabing lugar.

Aniya, primary contact ng mga 12 katao na unang nagpositibo sa covid-19 UK variant ang dalawang babae habang inaalam pa kung paano nahawaan ang lalaki.

Sinabi ni Tudlong na isa sa kanilang tinitignan ay ang travel history ng lalaki at ang kanyang trabaho na isang empleyado ng Department of Public works and Highways (DPWH) kung saan mayroon siyang proyekto sa labas ng Bontoc.

Ikinokonsidera na rin umanong recovered ang dalawang babae habang nanatiling active ang lalaki na kasalukuyang minomonitor sa temporary treatment facility ng lugar.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, patuloy ang kanilang isinasagawang contact tracing sa mga posibleng nakasalamuha ng mga nagpositibo sa virus.

Tinig ni Councilor Jerome Tudlong

Samantala, sinabi ni Tudlong na nakarekober na ang 12 unang nagpositibo sa covid-19 UK-variant maging ang alkalde ng Bontoc na si Franklin Odsey habang kasalukuyan pa rin nagpapagaling ang bise alkalde

Nananatili namang nakasailalim sa lockdown ang Bontoc bilang pag-iingat sa covid-19 kung saan mayroong 175 na aktibong kaso at apat ang binawian dahil sa nasabing sakit.