Tatlong bahay ang natabunan sa pagguho ng lupa na dulot ng matinding pag-ulan sa Barangay Rapuli, Sta. Ana, Cagayan.

Ayon kay Ret. Col. Atanacio Macalan Jr., head ng Provincial Climate Change Disaster Risk Reduction and Management Office (PCCDRMO) na una nang nailikas ng lokal na pamahalaan ang mga residente sa lugar bago ang landslide.

Dahil sa walang tigil na pag-ulan, lumambot at gumuho ang lupa at natabunan ang dalawang bahay habang bahagya lamang sa isa ngunit tinangay ito ng lupa hanggang sa gilid ng kalsada.

Sa ngayon ay two lanes passable na ang lugar matapos ang isinagawang clearing operation.

Nananatiling namang impassable o hindi madaanan ng mga motorista ang pambansang lansangan patungong Ilocos Norte via Sta. Praxedes, Cagayan at vice versa dahil pa rin sa mga naitalang landslide.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ding inaayos ng mga otoridad matapos na hindi madaanan ng kahit na anong uri ng sasakyan ang gumuhong lansangan sa Barangay Lablabig at landslide sa Barangay Union, Claveria.

Samantala, umaabot na sa mahigit 22,000 pamilya o katumbas ng 94,000 indibidwal sa 155 barangay sa lalawigan ang apektado sa malawakang pagbaha.

Sa naturang bilang, 11,390 pamilya o 39,000 indibidwal ang lumikas sa adopt-a-neighbor scheme habang nananatili sa mga evacuation center ang iba pa.

Kaugnay nito, patuloy pa rin ang pagpapatrolya ng mga otoridad sa mga nabahang lugar at pagtulong sa pamimigay ng mga relief goods sa mga evacuees.

Wala rin kuryente sa ilang mga apektadong lugar dulot ng nararanasang pagbaha sa lalawigan.

Samantala, sinabi ni Macalan na bahagya nang bumaba ang water level sa Buntun Water Gauging Station subalit nananatili pa rin ito sa critical level.

Sa ngayon, sinabi ni Macalan na nananatiling zero casualty ang lalawigan na resulta ng epektibong information dissemination na ginagawa ng mga local executives.