Tatlong bus companies ang pinayagang bumiyahe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pagbabalik-operasyon ng mga Public Utility Bus sa Lambak ng Cagayan, simula ngayong araw.
Ito ay kinabibilangan ng Florida, Victory at 5-star bus.
Ayon kay LTFRB Regional Director Edward Cabase na inaasahan pa itong madaragdagan sa oras na makapagsumite na ang ilan pang mga bus company ng kanilang requirements sa pagbiyahe sa new normal.
Kapalit naman ng special permit ay ang QR Code na itatalaga sa bawat operator kabilang na ang APPS mula sa LTFRB para ma-monitor ang pagbiyahe nila.
Nilinaw naman ni Cabase na point to point ang biyahe at ipinagbabawal ang pagbaba at pagsakay ng mga pasahero sa anumang parte ng Provincial Route maliban na lang sa mga itinalagang stopover points at terminal kung saan huling titigil ang mga PUB.
Isasailalim din ng LTFRB sa regular monitoring ang lahat ng PUBs na bibiyahe at ang sinumang mahuli na lalabag sa mga inilatag na protocol na sang-ayon sa IATF guidelines ay papatawan ng kaukulang parusa at maaaring tanggalan ng prangkisa.
Wala din aniyang inaasahang taas-pasahe at nananatiling P1.75 kada kilometro ang singil para sa regular-aircon.
Ang mga sasakay na ‘fully vaccinated’ ay pinapayagang bumiyahe at ipakita lamang ang COVID-19 Vaccination Card habang ang mga hindi pa kumpleto ang bakuna ay kinakailangan pa rin magpakita ng antigen test result na valid sa loob ng 72 hours.
Dagdag pa ni Cabase na hanggang 70% na ang pinapayagang kapasidad sa mga bus at posible pang madadagdagan depende sa magiging resulta ng 3-day National Vaccination drive.
Samantala, sinabi ni Cabase na maaari nang i-check ng mga benepisaryo ang kanilang Pantawid Pasada Program card para sa kanilang fuel subsidy bilang ayuda sa mga serye noon ng oil price hike.
Sa ilalim ng Fuel Subsidy Program, bawat Public Utility Jeep franchise grantees ay makatatanggap ng P7,200 na subsidiya kung saan maaaring makuha sa mga piling gasolinahan sa pamamagitan ng kanilang fuel subsidy card.