Nakahanda na ang cold storage facility ng Department of Health Region 2 sa inaasahang pagdating ng coronavirus vaccine mula sa Chinese firm na Sinovac sa araw ng Linggo, March 7.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Dr.Nica Taloma ng DOH- RO2, nasa limang libong doses ng bakuna ang inilaan para sa mga health workers na ipapamahagi sa tatlong covid-19 referral hospital ng rehiyon.

Ito ay kinabibilangan ng Cagayan Valley Medical Center na may 2,452 health workers; 1,129 sa Region 2 Trauma and Medical Center sa Nueva Vizcaya; habang 1,112 naman sa Southern Isabela General Hospital.

Ang sobra naman aniya ay maaaring ibahagi sa mga COVID-19 facilities na tumatanggap ng mga COVID-19 patients gaya ng Tuguegarao City Peoples General Hospital.

Dagdag pa ni Taloma na nakapagsagawa na rin sila ng simulation exercise o pagsasagawa ng bawat hakbang sa proseso ng pagbabakuna bilang paghahanda sa inaasahang pagdating ng vaccine.

-- ADVERTISEMENT --

Sa oras na dumating ang mga bakuna, sinabi ni Taloma na mayroon itong lima hanggang pitong araw para maibigay ang una sa dalawang doses na matatanggap ng mababakunahan.

Ibibigay naman ang ikalawang doses nito sa loob ng isang buwan.

Samantala, tiniyak ni Taloma na matapos mabigyan ang tatlong ospital sa rehiyon ay isusunod na mababakunahan ang iba pang ospital, quarantine facilities, at mga City/Mun/Brgy Health Institutions.

Matatandaan na nitong Lunes, umarangkada na ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan sa pagdating ng 600,000 dose ng bakuna na gawa ng SINOVAC at donasyon ng China.