Pumanaw na nitong Sabado sa edad na 47 si Brad Arnold, isa sa mga nagtatag at pangunahing bokalista ng American rock band na 3 Doors Down, siyam na buwan matapos niyang isapubliko na siya ay may sakit na cancer sa bato.

Noong Mayo 2025, ibinahagi ni Arnold sa isang video sa social media na siya ay na-diagnose ng advanced-stage clear cell renal carcinoma na kumalat na sa isa niyang baga.

Dahil sa kanyang kondisyon, kinansela ng 3 Doors Down ang kanilang planong summer tour noong 2025.

Ang 3 Doors Down, na nabuo noong 1996 sa Escatawpa, Mississippi, ay sumikat noong 2000 sa pamamagitan ng kantang “Kryptonite,” na isinulat ni Arnold at umabot sa ika-3 puwesto sa Billboard Hot 100.

Kabilang pa sa kanilang mga hit ang “When I’m Gone” at “Here Without You,” na kapwa pumasok sa top five ng parehong tsart.

-- ADVERTISEMENT --

Inilarawan ang banda bilang post-grunge, alternative rock at hard rock.

Ayon sa pahayag ng bamda, pumanaw si Arnold nang mapayapa at napapalibutan ng mga mahal sa buhay, kabilang ang kanyang asawa na si Jennifer.