Huli ang tatlong drug personalities na kinabibilangan ng isang High Value Target at directorate for intelligence (DI) listed drug person sa magkahiwalay na operasyon ng mga otoridad sa lalawigan ng Cagayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCOL Ariel Quilang, provincial director ng Cagayan Police Provincial Office na nahuli sa Province-Wide Enhanced Police Operations (POPE) ang hindi pa pinangalanang mga suspek sa bayan ng Solana, Tuguegarao at Abulug.
Ayon kay Quilang, walong bulto ang nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Solana PNP at Cagayan Provincial Intelligence Branch sa buybust operation laban sa isang DI listed suspect.
Isa namang government employee ang nahuli sa Tuguegarao City na itinuturing na HVT.
Sa imbestigasyon, nabatid na galing sa Metro Manila ang mga shabu na ipinapadala sa pamamagitan ng mga bus sa lalawigan kung saan ito target ibenta.
Bukod sa ilegal na droga, sinabi ni Quilang na nakakumpiska ang PNP Sanchez Mira ng mahigit kumulang sa 200 board feet na inabandonang ilegal na pinutol na kahoy sa Barangay Centro 2.
Habang aabot sa 500 board feet na ilegal na pinutol na kahoy ng narra at ilegal na droga ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng PNP at 2nd Provincial Mobile Force Company sa inilatag na Boundary to Boundary chekpoint sa Abulug.
Kabilang pa sa mga matagumpay na naaresto ng pulisya ang apat na Most Wanted Person sa bayan ng Pamplona, Aparri at Gattaran.
Sa pamamagitan ng Oplan Katok, umabot sa 29 na baril at 151 na bala ng M14 ang isinuko, kabilang dalawang chainsaw sa bayan ng Sta Ana at Lasam.