TUGUEGARAO CITY-Kinumpirma ng Department of Health (DOH)-Region 02 na may tatlong katao na panibagong kaso ng coronavirus disease (Covid-19) sa Region 2 na pawang mga health care providers.

Ayon kay Dr. Leticia Cabrera ng DOH-Region 2, si PH1180 ay 36-anyos, isang babae , residente sa Tuguegarao City , si PH1182 ay 30-anyos, lalaki, tubong Lal-lo na kasalukuyang nakatira sa lungsod habang si PH1261 ay 27-anyos,residente sa Bayombong, Nueva Vizcaya.

Aniya, kapwa frontliner sa CVMC sina PH1180 at PH1182 na may exposure sa unang nagpositibo sa lungsod na si PH275 habang nagkaroon naman ng exposure si PH1261 kay PH774 na unang naitalang namatay dahil sa covid sa rehiyon.

Kaugnay nito, sinabi ni Dr. Cherry lou Antonio ng CVMC, naka- strictly home quarantine si PH1180 kung saan mag-isa lamang siya sa tinitirhang bahay habang nasa covid ward naman sa CVMC si PH1182 at si PH1261 ay minomonitor din sa Region 2 Trauma and medical center sa Nueva Vizcaya.

Dagdag ni Antonio, nasa maayos namang kalagayan ang tatlo at kasalukuyan na rin ang ginagawang contact tracing sa mga nakasalamuha ng ito.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon, nasa 14 na ang naitalang kaso ng Covid-19 sa Region 2 habang 250 ang Person Under Investigation (PUIs) kung saan 141 na ang nagnegatibo habang 47,083 naman ang PUM o Person Under Monitoring (PUM)sa buong rehiyon.