Nasampahan na ng kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Code of the Phillippines ang tatlong lalaki matapos mahulihan ng humigit-kumulang 3,000 board feet ng narra lumber sa Barangay Roma Norte, Enrile, Cagayan noong Oktubre 25, 2025.

Ayon kay PMaj. Harold Ocfemia, hepe ng PNP Enrile, nasabat ang puting closed van na kargado ng iba’t ibang sukat ng narra sa 24/7 border checkpoint ng 204th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB2).

Inaresto agad ang mga suspek matapos silang mabigong magpakita ng DENR-issued transport permit.

Kinilala ang mga suspek bilang sina alyas Rommel (32), at alyas Djeron (52), kapwa taga-Ballesteros, Cagayan, at alyas Miro (35) na residente ng Aparri, Cagayan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Enrile ang mga nakumpiskang kahoy na nakatakdang i-turn over sa CENRO Solana, habang hinihintay pa ang desisyon ng korte sa kasong isinampa laban sa mga suspek.

-- ADVERTISEMENT --