Huli ang tatlong lalaki na nagbenta ng mga pekeng sigarilyo sa dalawang tindahan sa Brgy Parabba, Peñablanca, Cagayan.
Kinilala ang mga suspek na sina Albert Taguinod, 27-anyos; Protacio Eugenio, 56-anyos at Jaime Lugo, 53-anyos, driver na pawang mga residente sa bayan ng Tumauini, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLT. Ronnie Heraña, Jr, deputy chief of police ng PNP-Peñablanca na unang nabentahan ng mga suspek ang dalawang negosyante ng isang ream ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P1,050 na mas mababa kumpara sa presyuhan sa merkado.
Subali’t ilang araw lamang ay dinagsa na ng reklamo ang mga negosyante mula sa kanilang mga costumer at buyer na peke at iba umano ang lasa ng mga nasabing sigarilyo.
At nang magdedeliver muli ang mga suspek ay agad nakipag-ugnayan ang mga biktima sa Barangay at pulisya.
Nakumpiska sa loob ng sasakyan ng mga suspek ang tatlumpung reams ng ibat-ibang brand ng sigarilyo na may pekeng tax stamp at nagkakahalaga ng P50,000.
Nahaharap ngayon ang tatlo sa kasong paglabag sa Tobacco Act of 2003; Republic Act 7394 o mas kilala bilang ‘Price Tag Law’; Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines; estafa at Republic Act 11332 dahil sa paglabag sa Health protocols.