Tatlong lalaki ang nahuli sa magkahiwalay na lugar dahil sa pagbibyahe ng pinaghihinalaang nakaw na kalabaw sa bayan ng Tuao.
Unang nahuli sa inilatag na checkpoint ng pulisya sa Barangay Angang noong November 12 sina Cirilo Fuggan, 50-anyos ng Barangay Bagumbayan at Marcus Mabanag, 54-anyos ng Barangay Battung.
Ayon kay PMAJ Reymund Asistores, hepe ng PNP-Tuao na walang maipakitang dokumento ang mga suspek na magpapatunay na pag-aari nila ang dalawang kalabaw na aktong ibibyahe patungong Kalinga province.
Habang nahuli naman sa Barangay San Luis si Jimmy Joaquin na residente sa Barangay Mungo na hila-hila umano ang isang kalabaw na dadalhin sana sa Barangay Bagumbayan upang ibenta.
Nabawi ng tunay na may-ari ang kalabaw na una nang napaulat na nawawala sa Barangay Barancuag.
Sinabi ni Asistores na kinasuhan na ng paglabag sa Anti-Cattle Rustling Law ang dalawang nahuling mga suspek habang isasampa bukas ang kaparehong kaso kay Joaquin.