Huli ang tatlong lalaki kabilang ang dalawang menor-de-edad nang makuha sa kanila ang mga ninakaw na motorsiklo sa bayan ng Abulug.
Kinilala ang 19-anyos na suspek na si Jhun Pol Maquera ng Brgy Cabaritan East, Ballesteros habang kapwa 17-anyos ang dalawang menor de edad na nahuli at mga estudyante na residente sa Brgy Centro, Abulug.
Ayon kay PMAJ Norli Gamal, hepe ng Abulug Police Station, nadiskubre kinabukasan ng biktimang si Marvin Borja na nawawala ang kanyang motorsiklo na nakaparada sa tabi ng kanyang bahay noong gabi ng Linggo, July 11 sa Brgy Libertad, kayat agad niya itong idinulog sa pulisya.
Nakita din umano ng biktima ang tatlong kalalakihan na nakasakay sa kanyang kulay green na motorsiklo.
Sa isinagawang manhunt operation, nakita ang mga suspek sa isang waiting shed sa Brgy Alinunu, subalit nang mapansin ang kapulisan ay agad tumakas ang mga ito lulan ng isang motorsiklo at iniwan ang dalawang motorsiklo na ang isa ay wala ng gulong.
Nahuli naman ang mga suspek sa Brgy Centro na nakipaghabulan sa pulisya at kinumpirma ng biktima na sa kaniya ang motorsiklong ginamit sa pagtakas na dahilan ng pagkaaresto ng tatlo.
Sinabi ni Gamal na nakumpiska sa isang menor edad ang isang pakete na naglalaman ng marijuana, improvised cal. 5.56 na baril na may isang bala at isang unit ng cellphone habang nakuha naman kay Maquera ang isang piraso ng pakete na naglalaman ng shabu na nakalagay sa back cover ng kanyang cellphone.
Nakuha rin ng mga operatiba ang 2 mags wheel, 2 back fender flaring, iba’t-ibang motorcycle parts at kinahoy na motorsiklo.
Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10883, RA 9165 at RA 10591 ang mga naaresto at ang dalawang menor de edad na nahuli ay nasa kustodiya na ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).