Nagulantang ang India sa ulat na tatlong magkakapatid na mga babae – edad 13, 15, at 17, ang nagpakamatay dahil sa pinagbawalan sila na gumamit ng cellphone sa Kumar sa Uttar Pradesh.

Ayon sa ulat, umakyat ang magkakapatid sa balkonahe ng ika-siyam na palapag ng kanilang apartment sa isang high-rise complex sa Hadapsar district at isa-isa ay tumalon sila na nagbunsod ng kanilang pagkamatay.

Bago ang insidente, nakipagtalo ang magkakapatid sa kanilang mga magulang, na pinatay ang Wi-Fi at pinagbawalan sila na maglaro ng online game na ayaw nilang tigilan.

Nag-usap ang magkakapatid at nagkasundo na magpakamatay, kung saan nag-iwan sila ng walong pahinang sulat.

Ayon sa pulisya, halos hindi lumalabas ang magkakapatid, at nakatutok lang sa kanilang gadgets.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa ulat ng The Indian Times at ibang international news outlets, nag-umpisa umano ang Korean content at phone addiction ng magkakapatid noong panahon ng pandemya.

Diumano, ang sobrang obsession sa kultura ng Korea ang dahilan kaya gumagamit na ng Korean names ang magkakapatid at huminto na sila sa pag-aaral, dalawang taon na ang nakararaan.

Sinabi ni Deputy Commissioner of Police Nimish Patel na nakaapekto umano sa magkakapatid ang ilang araw na pagbabawal ng kanilang ama sa paggamit nila ng cellphone at hindi maipagkakaila ang malakas na impluwensiya ng Korean culture sa mga nasawi.

Naging “addicted” din daw ang magkakapatid sa isang Korean online gaming app.

Natagpuan umano ang walong pahinang suicide note ng magkakapatid na may nakasulat na humihingi sila ng sorry sa kanilang ama, at Korea ang kanilang buhay at minamahal, at anoman ang sabihin nila, ay hindi nila kayang itigil ito, kaya nagpasiya sila na tapusin na ang kanilang mga buhay.

Nakita ring nakasulat sa dingding ng kuwarto ng mga pumanaw ang mga salitang “I am very very alone” at “make me a heart of broken.”

Ayon sa mga saksi, posibleng nadamay lamang sa pagpapatiwakal ni Vishika sina Prachi at Pakhi dahil kasama sila sa mga nahulog habang inaawat nila mula sa pagtalon ang kanilang panganay na kapatid.

Sa panayam, sinabi ng ama ng mga nasawi na hindi dapat mangyari sa sinumang magulang at mga anak ang trahedyang naganap sa kanyang pamilya.