Tuguegarao City- Ligtas na natagpuan ang tatlong mangingisdang mula Itbayat, Batanes na limang araw na nawala matapos sumadsad ang sinasakyang bangka sa isla ng Dinem dahil sa lakas ng alon ng pumalaot sa dagat.
Sa panayam kay Batanes Gov. Marilou Cayco, natagpuan ng mga kasamahang local fisherman ang tatlo ng sila mangisda sa islang kinaroroonan ng mga ito na malapit sa pagitan ng Itbayat at Basco.
Aniya, sinira ng malalakas na alon ang bangkang sinakyan ng tatlo kaya’t wala na silang nasakyan pabalik sa kanilang lugar.
Bago nito ay nagsagawa agad ng search and rescue operation ang mga otoridad gamit ang helicopter.
Gayonman ay agad nakipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa mga otoridad na matulungan ang tatlo at madala sa pagamutan upang masiguro ang kanilang kondisyon.
Nabatid na Agosto 22 ng maiulat ang pagkawala ng tatlong mangingisda habang kahapon lamang sila natagpuan.
Samantala, nagpasalamat naman ang Gobernador sa disiplina at kooperasyon ng kanilang mga residente sa pagsunod sa mga alituntunin laban sa COVID-19.
Dahil dito ay nananatili aniyang COVID-19 positive free ang kanilang probinsya.
Bagamat may 40 na mga LSI ang minomonitor sa ngayon ay nasa maayos silang kalagayan at walang sintomas ng sakit base sa kanilang mga pagsusuri.
Giit pa ni Gov. Cayco, mahigpit ring ipinatutupad sa kanilang lalawigan ang pagsusuot ng face mask at face shield bilang pag-iingat kahit wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa lugar.
Sa ngayon aniya ay hindi pa muna sila tumatanggap ng mga turista sa Batanes upang makaiwas sa sakit sa pangambang makapasok ang virus sa nasabing probinsya.