Nadakip sa follow-up at manhunt operation ng mga otoridad ng Alcala Police Station ang tatlong menor-de-edad na tumangay at nagnakaw di-umano ng P40,000 sa pinagta-tabahuang catering services sa Alcala, Cagayan.

Ang mga batang suspek ay edad 14 hanggang 16-anyos na pawang mga residente sa Tuguegarao City habang ang biktima ay si Karen Sarmiento ng Barangay Baculud, Alcala.

Ayon kay PMAJ Renante De Gracia, hepe ng PNP- Alcala na hinuli ang dalawang suspek sa Camalaniugan habang ang isa ay sa Tuguegarao City.

Sinabi ni De Gracia na bagamat aminado, itinanggi naman ng mga batang suspek ang paratang na P40,000 at sinabing P5,000 lamang ang kanilang ninakaw sa piggy bank na ipinambili nila ng mga pagkain at damit.

Nabawi naman ang mahigit P3,000 na pera at cellphone habang ipinasakamay ang tatlong suspek sa Municipal Social Welfare Development Office na itinuturing na Children in Conflict with the Law.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na dalawang araw pa lamang ang mga bata sa kanilang trabaho sa catering services sa Barangay Masin na inirekomenda ng kaibigan ng biktima.