TUGUEGARAO CITY-Patay ang tatlong miembro ng pamilya kasama ang dalawang menor-de-edad matapos pagtatagain di umano ng tatlong kalalakihan sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan, kahapon, Oktubre 7,2020.

Ayon kay P/ Major Stanley Banan, hepe ng PNP-Sanchez Mira, agad silang nagtungo sa Barangay Kittag sa nasabing bayan ng ipagbigay alam ng kapitan ng barangay ang naturang massacre.

Aniya, umaga ng nasabing araw nang humingi ng tulong ang 12-anyos na lalaki na anak ng biktimang si Marina Sagid at kapatid na rin ng dalawang bata na sina Kristine, 8-anyos at Rocky boy Ramos , isang taong gulang sa kapitan dahil sa di umano’y ginawang pananaga ng mga suspek sa kanyang pamilya.

Nakatakbo ang binatilyo kung kaya’t hindi nadamay sa krimen kung saan positibong niyang itinuro ang mga suspek na sina Efren Innay,56-anyos,isang magsasaka, Ennok Guillermo,32-anyos kapwa residente sa Brgy. Kittag at Martin Ganal, 48-anyos isang Karpintero at residente ng Magdalena, Claveria.

Nang dumating ang kapulisan sa lugar ay kanilang nadatnan ang mga biktima na nakahandusay na wala ng buhay at nagtamo ng sugat sa katawan kung saan halos maihiwalay ang leeg ng bata pati ang binti ng kanilang ina dahil sa pananaga.

-- ADVERTISEMENT --

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang kapulisan na sanhi ng pagkahuli ng mga suspek.

Sinabi ni Banan na batay sa kanilang isinagawang imbestigasyon, dalawang anggulo ang kanilang tinitingnan , una ay ang paghihiganti dahil ang isa sa mga suspek na si Guillermo ay may history din ng massacre sa kanyang pamilya nitong 2013.

Pangalawa ay love triangle kung saan girlfriend umano ng tatlong suspek si Marina ngunit sinabi ni Banan na patuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon dahil ang tatlong suspek naman ang gumawa sa karumal-dumal na pangyayari.

Nabatid na wala ang kinakasama ng biktimang si Marina,na siya ring ama ng mga bata nang mangyari ang pananaga dahil siya’y nakakulong.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP-Sanchez Mira ang mga suspek at nahaharap sa kasong multiple murder at frustrated murder.