
Tatlong magkakamag-anak ang nasawi habang tatlo nilang kapamilya ang nasugatan matapos banggain ang sinasakyan nilang kotse ng isang truck sa kahabaan ng northbound lane ng South Luzon Expressway (SLEX) sa bahagi ng Alabang-Muntinlupa nitong Martes ng madaling araw.
Patay ang tatlong pasahero ng kotse samantalang ang kanilang tatlong kamag-anak, kabilang na ang isang limang taong gulang ang nagtamo ng mga sugat.
Nasa kustodiya na ng Philippine National Police’s Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang drayber ng truck.
Sinabi ni PNP-HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, batay sa pangyayari, nag-menor ang kotse habang hindi naman nakapagpreno ang truck na sanhi ng insidente.
Ayon sa kanya maaaring mabilis ang takbo ng truck na maaaring naging sanhi ng aksidente.
Nakikipag-usap ang pamilya ng mga biktima sa may-ari ng truck para sa posibleng pakikipag-areglo, ngunit ayon sa PNP-HPG, dapat managot ang drayber ng truck.
Dagdag pa ng PNP-HPG, ang drayber ay maaaring makasuhan ng reckless imprudence resulting to multiple homicide and damage to property.










