
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkakaligtas ng tatlong mangingisdang naunang naiulat na nawawala sa karagatan ng Occidental Mindoro.
Bandang 12:10 ng tanghali noong Pebrero 14, 2026, nakatanggap ang PCG ng radio communication mula sa FBCA Carmen 4 hinggil sa namataang distressed fishing vessel na FB MJ 2 sa layong 102 nautical miles mula sa Cabra Island, Lubang, Occidental Mindoro.
Nakaranas umano ito ng engine failure ang at ilang araw na umanong palutang-lutang sa dagat.
Tatlong mangingisda ang natagpuang buhay at ligtas na inilipat sa FBCA Carmen 4, habang isang mangingisda ang kumpirmadong nasawi.
Nauna nang iniulat ng Coast Guard District Southern Tagalog na idineklarang nawawala ang apat na mangingisda matapos hindi makabalik sa Lian, Batangas kasunod ng kanilang paglayag patungong karagatan ng Ambil at Lubang Islands noong Pebrero 9.
Dahil dito, naglunsad ang PCG ng pinaigting na SAR operations gamit ang aerial assets at mga barko, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga komunidad sa baybayin.










