Nakikipagtulungan na ang hanay ng kasundaluhan sa lokal na pamahalaan ng Maconacon, Isabela para mabilisang maibaba mula sa kabundukan ng Brgy Canadam ang bangkay ng tatlong rebelde na nahukay ng 502nd Infantry Brigade noong Linggo, Hulyo-3.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inilarawan ni Capt. Rigor Pamittan, hepe ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang lugar na masyadong matarik na sakop na ng Sierra Madre Mountains at walang cellphone signal kung kaya nahihirapan ang tropa na maibaba ang mga labi nina Alias Marco, Alias Jero, at Alias Lucia na pawang mga miyembro ng Central Front, Isabela at Komiteng Probinsiya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Ang pagkakahukay sa labi ng tatlong NPA ay resulta ng rebelasyon ng tatlong dating kasapi ng grupo na nagbalik-loob sa pamahalaan nitong huling Linggo ng Hunyo na sina Alyas Lerio, Alyas Del, at Alyas Victor na siyang nagturo sa lokasyon ng ilan sa kanilang kasamahan na namatay sa gutom dahil sa pinaigting na pagtugis sa kanila ng mga sundalo.
Sinabi ni Pamittan na Mayo 24, ngayong taon nang nailibing si Alyas Marco habang sina alyas Jero at Lucia ay noong Hunyo 22 at hindi naman magkakalayo ang lokasyon ng pagkakalibing ng tatlo.
Sa oras na maibaba ang mga labi, sinabi ni Pamittan na isasailalim sa DNA testing ang mga ito para mai-turn over sa kanilang pamilya at mabigyan ng disenteng libing.
Kasabay ng pakikiramay ay muli namang hinikayat ni Pamittan ang nalalabi pang miyembro ng rebeldeng grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan at magbagong-buhay bago mahuli ang lahat.