CTTO

TUGUEGARAO CITY-Hindi pa rin madaanan ang tatlong overflow bridges sa bayan ng Baggao dahil sa pagtaas ng tubig sa ilog dulot ng tuloy-tuloy na buhos ng ulan sa Cagayan.

Ayon kay Narciso Corpuz, Head ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRRMO)-Baggao, kabilang sa mga hindi madaanan ang Abusag Overflow Bridge, Bagunot Overflow Bridge at Taytay-San Isidro Overflow Bridge.

Pinag-iingat naman ni Corpuz ang lahat ng mga residente sa banta ng pagbaha at landslide lalo na sa mga malapit sa mga kabundukan.

Aniya, bagamat hindi pa sila nagsasagawa ng pre-emptive evacuation sa nasasakupang lugar mayroon pa ring mga residente na nasa evacuation center partikular sa Taytay Elementary School na unang lumikas noong manalasa ang bagyong Ulysses.

Sinabi ni Corpuz na base sa rekomendasyon ng Mines and Geosciences Bureau ay hindi na maaaring bumalik ang lahat ng mga residente sa Zone 7 sa barangay Taytay dahil sa nakitang bitak sa kabundukan na anumang oras ay maaaring magdulot ng landslide.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, ilang pamilya rin mula sa Zone 4, 5 at 6 sa naturang barangay ang hindi pa pinapabalik at kasalukuyang hinihintay ang rekomendasyon ng MGB kung tuluyan na silang hindi pababalikin sa kanilang mga tahanan dahil sa banta pa rin ng landslide.

Kaugnay nito, sinabi ni Corpuz na kasalukuyan na nilang tinitingnan ang lugar na maaring paglipatan sa mga residente kabilang na ang 11 pamilya sa Barangay Tueg na unang naapektuhan ng pagguho ng lupa dahil sa naranasang malawakang pagbaha nitong nakalipas na linggo kung saan apat na indibidwal ang nasawi.