Tatlo pang panibagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang naitala ngayong araw sa rehiyon dos.

Dalawa rito ay healthworker sa Cagayan Valley Medical Center na kinabibilangan ng isang 35-anyos na babae mula Ballesteros at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Carig Sur, Tuguegarao City at 53-anyos na babae rin na residente ng Brgy. Caggay, Tuguegarao City habang ang isa ay sa 25-anyos mula Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Glenn Matthew Baggao, medical center chief ng CVMC na kapwa asymptomatic o hindi nagpapakita ng anumang sintomas ang dalawang health worker na naka-isolate sa COVID ward.

Ayon kay Baggao, na lumabas ang resulta na positibo sa virus ang dalawa habang sila ay naka-quarantine ng 14-days matapos ang 1-week duty sa CVMC na direktang nag-aasikaso sa mga COVID-19 patients.

Kaugnay nito ay tatlo na ang positibong kaso ng COVID-19 sa CVMC kung saan inaantay na lamang ang resulta ng 2nd swab test ng isang pasyente na mula sa bayan ng Baggao.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ni Dr. Baggao na bukod sa dalawa ay nasa ‘stable condition’ na rin ang 60-anyos na COVID-positive kung saan tinanggal na ang nakakabit na swero sa kanya, naglalakad at nakakausap na ng mga medical staff.

Dagdag pa ni Dr. Baggao na mula sa 24 na mga “suspects” COVID-19 patients na inoobserbahan sa CVMC ay 7 na sa kanila ang negatibo sa naturang sakit.

Patuloy rin na minomonitor sa naturang pagamutan ang isang naitalang “probable” case na nasa stable ang kalagayan at inaantay ang resulta ng kanyang swab test.

Samantala, ang ika-34 na kaso sa rehiyon ay isang 25-anyos na lalaki mula sa Aritao, Nueva Vizcaya na nagkaroon ng sipon, lagnat, at nakaranas ng hirap sa paghinga na nasa pangangalaga ng Region 2 Trauma and Medical Center (R2TMC).

Sa kabuuan, nakapagtala ang rehiyon dos ng 34 na kaso kung saan 28 na rito ang nag-negatibo sa sakit habang isa ang namatay mula Nueva Vizcaya.

Sa ngayon, lima ang kasalukuyang COVID-19 patients na ginagamot sa magkahiwalay na pagamutan sa rehiyon kung saan tatlo rito ay sa CVMC sa Tuguegarao City habang ang dalawa ay nasa pangangalaga ng R2TMC sa Nueva Vizcaya.