TUGUEGARAO CITY – Patay ang mag-lolo at isa pa sa salpukan ng motorsiklo at tricycle sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Voltaire Acang, 40 anyos, driver ng tricycle at residente sa Brgy Atulayan, Tuguegarao City; ang kanyang apo na si Eden Aubrey Failano, 11 anyos residente sa Brgy Dibalio, Claveria; at Martin Silvestre Jr., 39 anyos, driver ng motorsiklo at residente sa Brgy Pata East, Claveria.

Habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang tatlong nasugatan na kinabibilangan ng mag-asawang Edwardo at Nenita Acang, residente sa Brgy Dibalio, Claveria at isang Jones Pagrayumen.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kapwa binabagtas ng tricycle at motorsiklo sa magkabilang direksyon ang pakurbadang lansangan sa Barangay Namuac nang bigla umanong umagaw ng linya ang motorsiklo na dahilan ng salpukan.

Dead on the spot ang driver ng motorsiklo habang idineklara ng doktor na dead on arrival sa pagamutan ang maglolo.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtamo naman ng sugat ang tatlo pang mga biktima.

Nabatid na pauwi na sa bayan ng Claveria ang mga lulan ng tricycle habang galing umano sa inuman ang mga sakay ng motorsiklo.