Patay ang tatlong katao, kabilang ang isang sanggol, matapos ma-trap sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Brgy. Bambang, Bulakan, Bulacan.

Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), kinilala ang mga biktima na sina Yara, 16 anyos; Yani, 14 anyos; at ang kanilang 1-taong gulang na pinsan na si Jayden.

Nagsimula ang sunog dakong ala-1 ng hapon at naapula bandang 1:30.

Natukoy na ang pinagmulan ng apoy ay isang mumurahing extension cord na saksakan ng electric fan sa bahay ni Angelika dela Cruz Silva, ina ni Jayden.

Iniwan umano ni Silva ang kanyang anak sa pamangkin upang makapagtrabaho.

-- ADVERTISEMENT --

Wala rin sa bahay ang mga magulang ng magkapatid na dalagita nang mangyari ang insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang kabuuang pinsala at iba pang detalye kaugnay ng insidente.